Ano Bang Gagawin

0

My brother has Autism Spectrum Disorder. Matagal ko na iyong alam. Matagal ko na ring tanggap pero mahirap gumalaw sa ideya na buong buhay niya kailangan ng suporta. Minsan nakakalimutan mo rin na kailangan mo ng suporta.

My brother has Autism. Kailangan mong paulit-ulit sabihin sa kanya, “hindi ka abnormal, Yam. You are special.” Kailangan mo rin itong paulit-ulit sabihin sa sarili mo lalo na sa mga pagkakataong pinapasok ka ng kaba tuwing na­ngangalabit siya ng hindi kakilala sa mall at kailangan mong humingi ng pasensya habang nagpapaliwanag na special child po ang kapatid ko habang iniintindi din ang kapatid mo. “This is just part of his behavior po. He means well.” Sinasabi mo rin ito ng paulit-ulit sa sarili mo pero alam mong minsan hindi mo maihiwalay ang kapatid mo sa ginagawa niya. Kagaya ng hindi mo maihiwalay ang sarili mo kapag may ginagawa siya at nakikita mo at nararamadam mong gumagapang ang hiya, ang lungkot, ang galit sa iyo nang paunti-unti hanggang sa maipon ang mga iyon at pumutok sa iba’t-ibang paraan: kapag nabangga mo ang mesa ng kapit bahay at hihingi’t hihingi ka ng tawad dito, o kaya kapag nakatulala ka sa bus tapos bigla ka na lang maiiyak, o kaya kapag naghihintay ka sa pila tapos gusto mo na sigawan yung teller na bilisan niya naman kanina ka pa nakapila.

My brother has Autism. Ginagamit mo yung ID niya kapag bumibili kayo sa Burger King ng Whopper dahil mahilig siya kumain. Makakakuha ka ng discount pero minsan iniisip mo, “Sana hindi ko na lang sinama. Napapagod na ako magsaway.” Kagaya ng ginagamit mo yung nangyayari sa inyo ngayon sa pagsusulat o yung experiences ng younger siblings of children with Autism para matapos ang undergraduate degree mo. Minsan wala kang remorse, sige bili lang. May discount naman siya. Madalas hindi ka makatulog kasi responsibilidad mo yung buhay ng kapatid mo. Responsibilidad mo yung buhay ng kapatid mo.

My brother has Autism. Hindi mo masabi sa nanay mo na, “Ma, natatakot ako magka-anak.” Hindi mo rin ito masasabi sa ibang tao. May kakilala kang hindi pa nag-aasawa kasi paano kung nag kaanak siya ng mahilig sa sports eh, hindi siya mahilig sa sports. Iyong isa naman paano kung hindi cute yung anak niya o kaya hindi maputi. Ikaw?


My brother has Autism. Binabangungot ka sa mga napapanood mong pelikula. Yung Miracle in Cell no. 7 at The Trial. Wala kayong kakilalang abogado. Hindi mo siya kayang bantayan araw-araw, bente-kwatro oras. Wala kang pera pambayad ng yaya. Pero paano kung nangyari yung sa Criminal Minds? Paano kung gusto niya lang makipag laro doon sa bata tapos napatay niya?

My brother has Autism. Matanda na siya. 24 years old. Lalaki siya. “Ate, gusto ko magka-baby.” Hindi ito tanong kasi hindi pataas ang tono atsaka walang ‘ba’ na kasama. Hindi ito pangungusap na pautos. Pero bakit parang nanghihingi ito ng karampatang sagot at aksyon?

My brother has Autism. Nagdadasal kami pag gabi nang sabay kasama si mama at kapatid kong bunso. Kalakip ng dasal ang bawat hinanakit, bawat pag-aalala, bawat takot at pag-amin na hindi namin alam ang ginagawa namin. Hanggang ngayon. Dalawampu’t apat na taon na siya sa Biyernes. Hindi pa rin namin alam kung anong gagawin naming kapag lumaki na siya. Kinalakihan niya na yung tanong namin.

Tungkol sa May-Akda
Si Diane Manzano ay nagtuturo sa UP Los Baños sa ilalim ng Department of Humanities. Sa kasulukayan ay nag-aaralsiya sa UP Diliman ng MA Lingwistiks at sinusubukang aralin ang Inati, wika ng mga Ati na nakatira sa Panay. Natuto siyang magsulat dahil sa Samahang Layb, isang organisasyon sa UP Los Baños na nagkikita tuwing Huwebes upang pag-usapan ang tula ng mga miyembro at tulang isinulat din ng ibang makata sa ilalim ng paggabay nila Propesor Dumlao at Propesor Aguinaldo.

 

Share.
.
Loading...

Please follow our commenting guidelines.

Comments are closed.