• Dalawang Tula

    0

    Kinalaunan

    Patak, patak—sa pagdilat ay
    Walang humpas na tukso
    At kiliti na pinigil ng dulo ng labi
    Di maiwasan ang pag awas
    Na dulot ng mga patak

    Malala sa mabigat na tubig alon
    Ang salita na di pinansin ng gusali
    Hinaing na pinigil ng dulo ng labi
    Ng mga asul na sanlibo
    At ang patak ay hindi muna

    Namalikmata ang musmos
    Sampal ng kanan, sa kapalit
    Ng katotohanan. Itinaas ang kaliwa
    Kumapit sa pangako sa Perlas
    Nang hindi pa naulan muli

    Sa oras ng pagdanak ng armas
    Sa lubos na nawalan, ay namulat
    Nanahimik na mga labi kundi patak
    Ng kamatayang tinig ng naghihintay
    Sa lupang inabo sa tigang ng nagdaang bagyo

    Manahimik ka na lamang—ang utos
    Ngunit kahit hindi man makita ang
    Araw suminag sa tinubuang lupa
    Sa bawat nahinigitan ay hindi panaghoy
    Ang pag-asa na babalik, lagi ang ulan

    * * *

    Talampakan

    Patuloy ang paa sa araw init ulan
    Di tumigil sa nais tahakin
    Minsan sa pinakamakikitid na
    Lansangan, napilay man sa takbo
    Aabutin, kakapusin, gagaling

    Kung sakaling nakakarinig
    Nanaiisin pa kaya? Ang paggalaw
    Tatanggi ngayon, sa makalawa
    Magbabalik trabaho kahit na
    Walang kamuang-muang

    Dadalawa na lamang, kahit napapabayaan
    Kakailangan ko, kakayanin pa ba
    Huwag kakalas, magpakatatag nang di malampa
    Walang patutunguhan basta
    Makapagmartsa ka sabayang iilang paa

    Nakikibaka, hindi man rinig ng dalawa
    Ang sigaw para sa kamalayan.
    Naisip ko na hindi layo ang
    Paa sa iba, na may pandinig, ngunit
    Ang panlakad ay piniling madapa

    Siguro, sa itinakdang panahon, ay mararating rin
    Ang inaasaam, at sa pagkamit
    Ay makakapagpahinga na
    Ang mga talampakan, kung ito ang
    Lakad ng tunay na Malaya

    MIGUEL CARLOS LAZARTE

    Share.
    loading...
    Loading...

    Please follow our commenting guidelines.

    Comments are closed.