Dalawang Tula

0

Bisperas (Awit ng Lalaki sa Bitayan)

The death penalty is not a cruel and unusual punishment. The Constitution allows1 Congress to determine when to enact a capital punishment law (Art. 3 Sec. 19(1) 1987 Constitution). And capital punishment is not always cruel and unusual. Such cruel punishment must not be merely a snapping out of a life. It implies something inhuman and barbarous, something more than the mere extinguishment of life (People v. Echegaray, Feb. 7, 1997).

Ngiti ko’y madalas ngayong nalalapit
ang pagyakap-dilim ng mundong masikip.
Berdugong lalagot sa buhay kong sukbit
ay s’yang tumatapyas sa takot ng dibdib.

Sindami ng rehas ang araw at bantay
mula nang isilid sa preso’t isakdal.
Dahil diumano ako’y nakapatay
habang nililimas ang lumang katedral.


Ang katotohanan nang yao’y maganap,
walang mga gintong sa litid ko’y angkas.
Ang pasan-pasan ko’y saku-sakong bigas,
kahit pa itanong sa aming kapatas.

Ngunit paglabas ko sa aming komprada,
may dalawang pulis doon sa tumana.
Nang ako’y makita ang isa’y nagm’westra,
wari’y kahapon pa ay nag-aabang na.

Agad pinosasan ang bisig kong pagod.
Ako’y tinutukan ng riple sa tuktok.
Sa mukha ko nama’y babakas ang suntok
pag di-maibigan ang aking isagot.

May nagparating daw doon sa himpilan
na ako’y nakita sa lumang simbahan.
Habang loob nito ay ninanakawan,
matapos ang kurang naroo’y pugutan.
Aking tinitigan ang mahabang baril
(Handa na rin silang ako ay bugbugin).
Sa nakahihilong mga pandidiin,
wala sa sariling napatango na rin.

Sa kanilang mata, tuwa’y namintana
at ako’y hinilang gintong gantimpala.
Ngunit sa isip ko’y lubhang mahiwaga:
Ba’t sila nagradyo sa tila bathhala?

Biglang kaharap ko’y isang abogado,
hawak-hawak niya’y isang dokumento.
Ang kulang na lang daw, gawin kong pirmado,
nang itong kumpisal ay maisemento.

Ako’y ipiniit doon sa kulungan,
ang manananggol ko’y ang taong naturan.
S’ya na ang lumiham sa piskal pa lamang,
hanggang sa hukuman ako’y makasuhan.

Nang ako’y iharap sa primerong bista,
noon lamang niya naisip pumunta.
At nang basahin na sa akin ang habla,
nanahimik siyang bibig ay may bara.

Pagkatapos noon, wala nang balita.
At ang aking kaso, umusad nang kusa.
Pati dumadalaw ay naging bihira.
Nalaman ko na lang, ako ay may sala.

Nang araw na ako’y hatulan ng hukom,
hindi nagpakita yaong manananggol.
Balaraw tumingin pati mga miron,
nang ako’y patawan ng lasong ineks’yon.

At doon sa death row ako’y binakuran.
Ang arok ng isip ang s’yang kalayaan.
Ang tulay ng diwa ang nilalakaran,
saka mahihinto sa dalampasigan:

Tagumpay! Tagumpay! Lalaya ang bait—
sa bigat ng laman at mundong masikip.
Kaluluwa’y tunay na magkakabagwis,
‘pag puso’y tumikom at tirhan ng lamig.

Subalit ay sino itong paparating?
Idlip ko ay dampa, balak pang baklasin.
Nagmamadali pa’t nakabarong man din—
bagong abogadong puso’y matulungin!

Remedyo raw sana sa aking problema’y
automatic review ng Korte Suprema.
Kapatas na sangkot, biglang nakonsens’ya,
kaya’t ikinanta ang mga kasama.

Amin palang meyor ang s’yang instigador,
at kulang ang pondo para sa eleks’yon.
Kunwari pa’y banal at suki sa Pasyon,
‘yun pala, tit’yempo saka mandarambong.

At dagling umalis itong si attorney
(Last trip ang clemency at bihirang b’yahe).
Dapat daw ang husga ng aking ponente,
ay swak sa abs’welto at hindi garote.

Ngayong naghahanda ang aking berdugo,
at ang aking ulo’y bola ng Pangulo.
Dito sa bitayan, altar ko’t rosaryo:
Teleponong diyos na nakadek’watro!

1Ipinagbabawal ng Akta Republika 9346 ang pagpapataw ng parusang kamatayan. Sa halip, awtomatiko itong ibinababa sa parusang reclusion perpetua. Subalit ayon sa ating Saligang Batas, may diskresyon ang Lehislatura na muling isabatas ang parusang kamatayan ayon na rin sa police power nito. Kung gayon, tuluyang maipagbabawal ang parusang kamatayan kung ang Konstitusyon mismo ang magbabawal nito. Ngayon lamang Enero 28, 2014, ipinasa ni Sen. Tito Sotto ang Senate Bill 2080 na naglalayong muling isabatas ang parusang kamatayan.

* * *

Pasada

Sinasabing kadalasan ay malalim na gabi
at ilang ang ruta ng makata.

Mga daliring tumitipa ay susi
sa makina ng makinilya at netbook

at makinaryang umaangil
ang daigdig sa loob ng bungo’t dibdib.

Sumisilyab na spark plug
ang isip sa mutya ng tubig, apoy

lupa at simoy. Humahakbang
sa selenyador ang alaala’t hula,

marahan kung umatras sa mga kalye
at alabok ng kasaysayan,

ngunit de-primera at segunda
kung sumagap ng alingasaw

sa mga kanal at ilog sa bintana ng kasalukuyan;
habang de-tersera, quarta at quinta naman

kung magsa-monitor ang windshield at humarurot
ang mukha sa haka at orakulo ng internet at multi-media.

Ngunit suwerte na kung marami
ang maging pasahero habang naghihilik

o umuungol ang karamihan
sa mga motel ng pagkawalang-bahala

at talaga namang ilang ang rutang ito,
na mas madalas ay mga mangongotong,

holdaper at mamamaslang
ang matiyagang nag-aabang.

Mas madalas pa ngang malugi
sa langis at buwis ang tinta at pawis.

Minsa’y nagtatapos pa ang lahat
sa isang malagim na aksidente—

at nagkukulay dugong papel ang kalsada
at kinuyom na pahina ang sarili

habang ang mga pulis
ay nagkakamot ng ulo

at ang madla ay nakatingin
sa kabilang ibayo.

Share.
.
Loading...

Please follow our commenting guidelines.

Comments are closed.