Kasal Elemental

0

(Kay Chel)

Heto at narito tayo sa balikat ng huklubang Isarog.
Nanunulay sa kanyang mga pilapil at alamat,
nakikipagsayaw sa kanyang simoy at salaysay.
Hayan nga’t ginagaya ng iyong mahabang buhok
ang pagsayaw ng kanyang mga dahong-palay,
wari’y nag-aanyaya at nagpapa-alala
na tayo ay manatili sa lawak
ng kaparangan na nananahan sa ating dibdib.

Ang totoo, wala naman talagang nalimot.
Dumadaloy na bukal sa ating kalamnan ang tubig.
Tiyak ito, ayon na nga sa mga siyentipiko.
Subalit ang hindi nila nabanggit
ay ang sabay na pag-agos nito sa alaala
ng mga ilog at batis ng ating kaluluwa,
mga danas mulang sinapupunan hanggang kinagisnan.

Sa di-kalayuan ay ang batis na mataimtim
na nakikipagtalamitam sa mga bato.
Hindi ba’t parang kailan lamang,
nilakbay ng iyong musmos na pamangkin
ang mga mumunting batong islang naroon
upang gawing bitak-bitak na bato
ang mga pulo ng Pilipinas?
At nalaglag siya sa kanyang ulap
nang matapos tumalon sa gabitak na pulo,
dumulas at dumagan sa kanyang dibdib
ang wakas ng daigdig
bilang isang dambuhala at huklubang bato?


Kanina lamang ay nanaghoy kasama
ng hangin ang iyong tinig at marahang
dumatal sa rabaw ng alumpihit na tubig.
Kaya nga’t heto at isda akong lumalangoy
kasama ang iyong hininga at salaysay.

Dito, kung saan kaulayaw ng mga bituin
ang mga gamugamo at malayo, mapanglaw
at umiilaw na sugat ang lungsod sa pisngi
ng kapatagan sa dakong ibaba,
magkaniig ang ating hininga at ulirat
at tayo ay iisa habang matapang kong ibubulalas
at isisigaw upang marinig ng mga elemental at diwata:
Ika’y aking iniibig!

Marahil ay tumatango-tango sila at natatawa
sa akin na isang tila lasing na makata, nakayakap sa iyo
at pilit na hinahabol ng hininga ang hangin upang sabihin
ang hindi na dapat sabihin at hinding-hindi masasabi sa pook
na ito kung saan koro ang bundok, ang hangin, ang pilapil,
ang batis, ang mga ibon, ang mga dahong-palay, at ang gabi:
Tayong dalawa,
sa gitna ng lahat!

Totoo, hindi tayo nag-iisa sa ating elemental na kasal
(Sinasabing walang kasal na pribado at sekreto)
dahil dito sa gitna ng pilapil at palayan,
nakabantay ang nakasarong na sundang
ng huklubang Isarog. Wari’y babala
sa makatang hagbayon na tulad ko
upang huwag makalimot sa pangako.
Kung tutuusin, dapat ay mainit na lava
ang pagbati sa akin ng matandang bundok.
Lalo’t ngayong hinihingi ko ang kamay
ng kanyang daragang magayon.

Hindi lingid ang alamat:
Sinasabing noong mga unang araw
naging masugid at magkaribal na manliligaw
sina Isarog at Asog sa puso ni Mayong.
(At nagmula ang aking musmos na yapak,
sa paanan ni Asog, sa matalinghagang Iraga).

Sadyang matulain kung umibig si Asog,
walang panama ang tarikang si Isarog
na mas bihasa sa mga sundang at sumbiling.
(Samantalang may sa patibong ang bitik na dila ni Asog.)
Isang araw, nang magkaulayaw sa iisang ulap
sina Asog at Mayong, hinawi ito ni Isarog
at tuluyang tinaga ang dibdib ni Asog.
Lumayong lumuluha si Mayong,
hindi na muling umibig, naging mailap
at madalas nakatago sa ulap,
upang mag-apoy sa panaghoy
sa ilang mga pagkakataong dala ng hangin
ang alaala ng isang binatang may rosas ang bibig.
Kung ipakita man nito ang kagandahan
ito ay para bitinin ang puso at puson ni Isarog
na ngayon ay isa nang tahanan
ng bait at batis ng kalikasan.

At ako, na nagmula sa biak na bundok Asog,
ay umiibig sa iyo, dalaragang magayon ng Pili.
Saksi ko si Isarog at ang kanyang sundang,
taga sa bato!

Matatawa ka at babatukan ako, hangal
wari mo—tanga ang talinghaga sa panahon ng digma.
Oo nga naman, paralumang pandigma kita kung ituring.
Ikaw na talim ng aking katana, ang huwisyo ng aking tudla.
Ikaw na mata ng aking mata, pandinig ng aking natulig na bait.
Totoo, naglipana ang nagpapanggap na kaibigan
na matapos yumakap ay itatarak sa aking likod ang itak.
Subalit nariyan ka, nariyan ka upang lituhin ang kanilang mithi,
nariyan ka upang lutuin ang kanilang budhi—
ikaw na marikit na kalasag sa mga naglipanang taksil.
Hayan nga’t nilalakaran natin ang pilapil na marahil
ay tinutulay rin ng mga pulang mandirigma pagsapit ng dilim.
Natatanaw rin natin ang mga gulod at bundok na nagtatago
ng kanilang mga bakas na ayon na rin sa mga sabi-sabi
ay gumuguhit mulang Sorgoson hanggang Gitnang Luzon
(Ang masid lang natin ay ang ruta ng Banasi hanggang Pili).
Dito, kung saan tayo nakahimpil, ang puso ay hugis kamao,
At nasok ang ulos sa yungib ng daigdig ng bait.

Pumasok ang ulos sa yungib ng daigdig ng bait.
Sa panahon ng digma, mas mainam daw kung walang kabiyak.
Walang tamis, kung kaya’t wala ring pait ng pagkabiyak
kung basag ang gabi at kailangang lumakad sa dilim.
Subalit ako si Sarikaw, mangangasong nanigas
sa pagkakatitig sa iyo. Wagas, walang wakas
na pagkakatitig sa oras na hindi lumilipas.

Hindi ba’t noong makalawa, naging mabilis
ang iyong paghakbang sa mga pilapil,
mga bihasang paghakbang, sanay na sanay.
Hindi ko nasundan ang iyong pagliko,
Hindi ko nasundan ang lupang tinulay mo.
Naiwan akong tuliro sa gitna
ng kawalang direksiyon. Walang-wala
sa lupaing kinagisnan mo. Patawad,
kung nagawa kong tumalikod
at lumakad papalayo,
kalimutan ang mga tanda
at hintuturo ng panakot-uwak
(O baka ako ang panakot-uwak).
Ala-kristong nanigas sa krus na landas.
O gaya nga ng nasabi—Sarikaw.
Taga-lungsod na nangahas na mangaso
sa isang ilang at liblib na tunggali,
naliligaw sa mga nagsasangang pilapil.
Mangangasong naging asong sumusunod sa iyo—
Ako’y iyong aso.

At labis ang iyong pag-ibig sa mga aso.
Heto nga’t kanina pa nakasunod sa atin
ang isa sa mga bantay ng inyong parang.
Alam niya marahil ang iyong kabaitan
pagdating sa kanilang uri. Hindi ba’t supling
niya ang tutang may tala sa noo?
Tinawag natin siyang “Budoy,”
kaibigang pinapahimpil ko maging sa mesa
ng aking pagkakahumaling sa mga batas:
Budoy, budoy, what is the case of, what is the case of…
Marahil ay nasa isip ng kawawang tuta
ang asong pinatay upang sairin ang dugo
at gamiting pinta para sa Inang Peñafrancia.
At matapos itong itapon sa Bikong Ilog
ay kakatwang nabuhay at lumangoy
tungong pampang.

Ang pag-ibig ay hindi pag-aalaga ng tuta.
Ayon na nga sa dunong ng penomenolohiya.
Walang dapat sundan, walang dapat sundin
kundi ang kalatas ng kalawakan
na bubukal ang dapat bumukal,
na sisibol ang dapat sumibol. Batas ito.
Batas na naaayon sa naaayon
hindi nga pag-aalaga ng tuta, sa halip
ay ang pananalig ng asong sinaid ang dugo
ng kanyang iniibig na amo upang kulayan
ng linyar na pag-iral ng Banal na Birhen
upang baliin ang batas ng kalikasan
at muling mabuhay ang ilog
sa kanyang masunuring puso.
Aking iniibig, uulitin ko:
Ako’y iyong aso.

Kaya lumakad kata, sundan ang pilapil ng pag-ibig.
Matapos magniig ang mga pangako sa gitna ng palayan
at matapos sumanib sa simoy upang dumaloy
sa alaala ng mga elemental o mag-iwan ng bakas
sa makasaysayang pook na ito.
Halika at umagos tayo sa ilog ng ating dibdib,
sa iisang bukal,
sa iisang salaysay,
sa iisang alamat.

Share.
.
Loading...

Please follow our commenting guidelines.

Comments are closed.