• Limang Tula

    0

    Sa Surigao Del Sur

    Ito ang tiyak: sa mababaw na libingan,
    lasap pa rin ng mga uod ang takot
    ng pinagpipiyestahang katawan
    nang lumapat ang lamig
    ng metal na nguso ni Kamatayan
    sa kaniyang pawisang sentido–
    Halik-paanyaya sa nakaabang na mundo
    isang segundo ang layo
    mula sa kalabit ng gatilyo.

    Wala sa hapag ng lungsod ang lasa ng takot.

    Sa lungsod kung saan
    ang balitang isinasapinggan
    ay inihahanda sa malayong kusina:
    “Rebelde ba o militar?”
    sambit mo sa pagitan
    ng mga pagnguya.
    Samantala, di kalayuan
    sa lunan ng mga pagpaslang
    silang mga luntian,
    sukbit ang bigat ng itim
    na karahasan–dagundong
    ang halakhakan, habang

    Patuloy sa pagpapak ang mga uod,
    Patuloy ka sa pagnguya’t paglunok-

    sa mga mata,
    bubuka ang bibig sa masarap na anyaya
    sa mga tainga,
    lalasapin ng dila ang isinubong balita
    sa ilong,
    gagalaw ang mga talim ng ngipin
    sa bibig,
    para sa nakaabang na lalamunan.

    ***
    Tanawin

    Pasko na naman, O kay tulin ng araw,
    Paskong nagdaan, tila ba kung kailan lang

    Nagsa-karagatan ang kalsada
    nang dumalaw sa lungsod ang ulan.
    ‘Sang dalampasigan ang bangketang
    Himpilan ng mga nag-aabang
    (na may kabu-kabuteng panangga)
    sa tumal ng jeep-bangkang sasakyan.

    Pasko, Pasko, Pasko na namang muli
    Tanging araw nating pinakamimithi

    Buti nalang may balsang kariton
    (na kanina lang prutas ang laman)
    na sumusuong sa mga alon
    maitawid lamang sila habang
    si Kris Aquino ay lumalamon
    sa tarpolin ng isang tindahan.

    Samantala, tuloy sa pagtugtog
    ang malaking ispiker sa tabi:
    Ang pag-ibig naghahari…

    ***

    Tahimik

    Tahimik ang walang pangalan
    sa wikang nauunawaan.
    Sintahimik ng ilang taon nang
    abandonadong bahay.
    Sa wikang nauunawaan,
    multo ang tawag mo
    sa nanananahan dito
    at hindi itong tahimik na walang pangalan.
    Tunog ng nagsasarang mga tindahan,
    halimbawa, na susundan
    ng mga blangkong mukha
    pauwi sa kani-kaniyang tahanang
    iniilawan ng lamlam.
    Hindi ito nalalayo sa katahimikan
    pagkatapos ng handaan:
    walang kibo ang kaninang
    kumakalansing na mga pinggan
    sa ngayo’y nagdiriwang,
    humihiyaw na kawalan.

    ***
    Ang Pusa sa Tindahan

    May pusang nahihimbing
    sa may tindahan.
    Kung paanong hindi siya nagigising
    (o kunwaring hindi nagigising)
    sa mga baryang kumakalansing
    pambili ng yosi at Sting
    (o Cobra), ng kendi at sitsirya,
    pampaload ng ALLTXT20
    o FLEXITIME 50,
    hindi ko alam.
    Basta’t nakaaaliw pagmasdan
    ang umaangat-bumababa niyang tiyan.
    Sa bawat paghinga, maalala mo ang lola mong
    minsan mong binantayan sa pagtulog
    sa takot na baka ibuga na niya
    ang kaniyang huling hininga.
    Hindi ako nag-aalala.
    Malusog ang pusang ito; tila pinalulusog pa
    ng kaniyang mga panaginip.
    Madalas akong managinip
    ng mesang naghahakot ng alikabok
    sa isang silid na walang ilaw,
    walang dumadalaw.

    Hindi ako gumagalaw.
    Palagi, nakaupo lang ako roon,
    naghihintay sa kung ano.
    Hindi ko maaaring gambalain
    ang sinisilungang dilim.
    Gusto kong naroroon ako sakaling
    magtipon ang mga pusa
    upang muling magkita-kita
    sa pamayanang umiiral lamang kung gabi
    habang ang lahat ay tulóg
    at nananaginip.

    ***

    Pagbabalik

    Pagkatapos ng Pag-aabang sa Kundiman 2

    Singhaba ng daan
    patungo sa bago ninyong lilipatan
    ang titig mo sa akin habang papalayo ka,
    hila ng iyong mga magulang.

    Marahil, hindi mo na kasi nagawang ibilin
    na ingatan ko ang makikinis na batong
    inipon natin mula sa inakalang bukal,
    maging ang basket na sumasalo
    sa mapupulang aratiles sa likod-bahay.

    Sa mga taong nagdaan, batid kong
    batid mong walang nakapigil
    sa pagbabagong bihis ng ating bayan
    (ang mga bato ay bato na lamang,
    tumanda na ang mga batang
    kaagaw ng mga ibon sa aratiles),
    sapagkat nagbabalik kang walang gulat
    ang mga mata, kahit pa kinakaharap
    ang malaon nang palaisipan
    ng mga umalis at naiwan.

    Malaon na ring tumigil sa paghihintay
    silang mga natutuyo’t nalaglaglag sa lupa.

    Ni R Estrada

    Share.
    loading...
    Loading...

    Please follow our commenting guidelines.

    Comments are closed.