MUNTINLUPA: TUNGO SA UNANG SIGLO NG LAKAS, TALINO, AT BUHAY

0

MAYOR JAIME R. FRESNEDI / 19 DECEMBER 2016

Advertisements

Taong 1917 nang nilagdaan ni Gobernador Heneral Francis Burton Harrison ang Executive Order 108 na nagsasaad na ang Muntinlupa ay isa nang ganap na bayan. At ngayong gabi ay nasa ika-siyamnapu’t-siyam na anibersaryo na tayo mula ng nasabing pagkakatatag.

Nais kong magbalik-tanaw sa mayamang kasaysayan ng ating Lungsod:
* 1901 nang maging bahagi ng Bayan ng Morong ang Muntinlupa.

* 1903 naman nang maging bahagi tayo ng lalawigan ng Laguna sa bayan ng Biñan sa pamamagitan ng Philippine Commission Act of 1008.

* 1905 nang ibinalik ang Muntinlupa sa lalawigan ng Rizal ngunit napailalim ito sa Taguig kasama ang Pateros sa pamamagitan ng Kautusan Bilang 1308.

* At tulad nga ng aking nabanggit, noong Disyembre 19, 1917, naging ganap na bayan ang Muntinlupa.

* Mula noon hanggang 1960’s – Agrikultura ang pangunahing hanapbuhay sa ating Bayan. Hanggang sa unti-unting nagbago patungong industriyal sa pagsisimula ng pagpasok ng NAPOCOR.

* 1970’s – Sa pagbubukas ng South Superhighway, nagsimulang magtayo ng mga industrial establishments sa Muntinlupa, gaya ng Zuellig Pharma, Firestone, Lirag, Nescafe, Pacwood, Tai-Ping, Solid Mills, at iba pa. Sa mga taon ding ito na-develop ang ilang subdibisyon gaya ng JPA sa Tunasan and Alabang Hills sa Cupang.

* 1980’s- Nagsimulang lumipat palabas ng Muntinlupa ang ilang mga industriya at umusbong ang iba’t ibang commercial establishments. Namayagpag din ang development ng iba pang subdivisions katulad ng Ayala-Alabang.

* 1986 – Matagumpay na pinigilan ng ating mga mamamayan ang pagpasok ng mga sundalo mula Timog Luzon upang maging karagdagang pwersa ng hukbong sandatahan noong People Power o ESDA I Revolution. Matapos ito, hinirang ni Pangulong Cory Aquino bilang Officer-in­ Charge ng Muntinlupa si Atty. Toting Bunye. Ang inyong lingkod naman ay nahirang bilang Municipal Attorney at OIC-Vice Mayor noong taong iyon.

* 1990’s – Itinayo ang Filinvest Corporate City sa dati’y Alabang Stock Farm, na ‘di naglaon ay naging isa sa mga pangunahing business districts sa bansa.

* Marso 1, 1995 – Nilagdaan ni Dating Pangulong Fidel V. Ramos ang “REPUBLIC ACT 7926 o MUNTINLUPA CITY CHARTER”, upang tayo’y maging ganap na lungsod.

* Taong 2000 at mga sumunod na taon – mas lumago ang mga service-oriented firms sa Lungsod tulad ng hotels, condominiums, retail establishments, at business process outsourcing companies o BPO. Ilan sa mga ating nasaksihan ay ang pagtatayo ng mga gusali ng Insular Life, Festival Mall, Convergys, Flour Daniel at iba pang multinational corporations.

Hindi tayo magsasawang magpasalamat sa mga dating naging pinuno ng Muntinlupa, sampu ng kanilang pamilya. Salamat sa mahalagang papel na kanilang ginampanan sa ating kasaysayan. Gayundin sa mga kasalukuyang lider, gaya nina Congressman Ruffy Biazon, Vice Mayor Celso Dioko, at mga konsehal para sa kanilang hindi matatawarang dedikasyon nang paglilingkod sa mga Muntinlupeno.

Naging mabilis ang takbo ng mga taon at ngayon ay halos ika-isandaang taong anibersaryo na ng ating Lungsod.

Isang karangalan sa akin na maging lingkod-bayan ng Muntinlupa sa mga nakalipas na dekada bilang inyong Punonglungsod at maging bahagi ng kasaysayan nito. Isang karangalan sa akin na magampanan ang kredo na paglingkuran ang Muntinlupa ng aking buong lakas, talino, at buhay.

Kasabay ng mga hamon na hinaharap, nagbago rin ang kalidad ng ating pagseserbisyo. Mas inilapit natin ang mga tanggapan sa ating mga mamamayan sa pamamagitan ng ating mga satellite offices, katuwang ang national government agencies, gaya ng – Registry of Deeds, NSO, NBI, SEC, LTO, DFA, at iba pa. Batid niyo rin na binigyang­importansiya at pinatatag natin ang ating mga infrastructure projects.

Napakahalaga ng unang siglo kaya ating itinatag ang Muntinlupa Centennial Commission na kumakatawan sa iba’t ibang sektor sa ating Lungsod. Kasama rito ang lahat ng tanggapan ng Pamahalaang Lungsod, ang ating Sangguniang Panlungsod, maging si Dating Mayor Toting Bunye, mga kinatawan ng national government agencies, Muntinlupa Artists Society, mga barangay, miyembro ng pribadong sektor, at iba pang mga organisasyon.

Isa sa ating mga pasisinayaan bilang bahagi ng ating pagdiriwang ay ang Muntinlupa Museum kung saan itatampok ang mayamang kasaysayan ng ating Lungsod. Kung mayroon po kayong anumang bagay o kagamitan na maaaring ibahagi sa ating Museo, mangyaring makipag-ugnayan lamang po kayo sa amin.

Dagdag dito, ang araw na ito ay araw rin ng pasasalamat. Mapalad tayo dahil inabot ng ating henerasyon ang kaganapang ito. Katulad nito, natatandaan ko rin na noong Hunyo 12, 1998, ipinagdiwang ng ating bansa ang unang sentenaryo ng ating kasarinlan mula sa mga Kastila. This is the reason why we have to seize this moment and take this once-in-a-lifetime opportunity to celebrate and rejoice.

Higit sa lahat, ang ating pasasalamat sa ating Panginoong na nagbibigay-katuparan sa lahat ng ating adhikain. Ang Panginoong nating Siyang nagbibigay ng ating lakas, talino, at buhay. Ang sabi sa Psalm 100:5, “For the LORD is good; his steadfast love endures forever, and his faithfulness to all generations”. Bilang Kanyang lingkod, sikapin nating mamuhay ng naaayon sa Kanyang katuwiran. Isang buhay na kalugud-lugod sa mata ng ating Lumikha.

Ang gabing ito ay hudyat ng pagsisimula ng isang taong pagdiriwang. Tunghayan po ninyo ang “logo” ng ating “1st Centennial Celebration”.

Tungo sa matagumpay na ika-isangdaang taon ng Muntinlupa at sa mga susunod pa! Yakapin natin ang pagkakaisa. Maraming salamat at magandang gabi sa ating lahat

Share.
loading...
Loading...

Please follow our commenting guidelines.

Comments are closed.