Panaghoy ng Isang Maranao

0

Marahil kung ‘di umusbong ang sigalot sa aming lopa ay di kami magkakawalay nina inah at amah,
Ng aking pagari a mama at babay,
Nila babo at bapah,
Ng aking mga pakiwata-an a babay at a mama,
Nina amah-adatu at inah a ba-i.

Malaya naming aanihin
Ang aming mga pananim na ilaw, ka-mais, banggala, obi, logasing, leleta-an, saging, niog, waka at kapi.

Masaya naming pipitasin ang hitik na bunga ng puno ng bowa-an, dorian, manggis, pega, badak at usaw.

kami ngayon ay naiipit ng isang marahas na bakbakan sa pagitan ng mga bandido at mga sundalo ng pamahalaan,


Kinubkob at winasak nila ang mahal kong bayan na sentro ng aming pananampalataya sa Dakilang Lumikha.

Kristiano man o muslim walang pinatawad,
Ang iba’y binihag at meron ding pinugutan,

Ilan sa aming kalalakiha’y napagbintangan na kabilang sa mga tulisan at walang habas na pinaslang.

Sa gitna ng putukan kami ay nakipag-patintero,
Umilag sa bombang bumabagsak mula sa himpapawid,
Sa gitna ng digmaang di namin laban
kami ay naging pain at pananggalang.

Sanggibo ang bangkay na nakahandusay sa daanan,

Umaagos ang dugo sa estero,
Nakakasulasok ang amoy ng nabubulok na laman.

Gumuho na ang masget (church) na dalanginan,
Tinupok na ng apoy ang padi-an (market),
Ginawang kuta ng mga tulisan ang escuela-an at ofisina.
Iwinagayway ang itim na bandila na simbolo ng terorismo.

Daig pa namin ang dagang walang lungga
at sungkang nasunugan ng bahay,
‘di kilala kung sino ang kalaban at sino ang kakampi.

Sa aking pagkukubli ng mahigit isang linggo
At pakikipagsapalarang mabuhay,
Umaasang matakasan si kamatayan.

Sa saliw ng musika ng rumaragasang tangke de gera,
Kasabay ng nakabibinging putok ng armalayt at iba pang matataas na kalibreng armas,
Ako ay may narinig.

Binasag ng ‘uwaaaa’ ng isang sangol ang kilabot ng karahasan.
Isang paslit na umiiyak ang aking nakita,
kalong kalong ng kanyang inang wala ng buhay.

Inagaw ko ito sa kanyang dibdib na duguan,
hinele sa aking nanginginig na bisig,
Ngunit di ko kinaya na siya ay patahanin,
Sabay kaming nanaghoy sa gitna ng hating gabi.

“Inah, nasan ka?
Amah, buhay ka pa ba?
Lomelekep?”
(Is it cloudy?)

Wala akong maaninag!
Binulag na pala ako ng nakasisilaw na ilaw ng trak,
Dowa ka militar ang sa akin ay umalalay.

Tohangko tabingia kongka!
(O God, help me!)
Diya kendan magedam paroman so kasakitiyan.
(I can no longer suffer the pain.)
Kabaya aken a maka-balingako imanto.
(I want to go home now.)

“Tahan na, ligtas na kayo ng anak mo.
Dadalhin namin kayo sa isang evacuation center.”

Para akong robot na tumalima sa mga lalaking naka patig,
Di na ako nagulat ng biglang tumimbuwang ang isa sa kanila,
Isang bala na nagmula sa kung saan ang humagip sa kanyang bunbunan.

Agad akong isinakay sa trak ng nakaligtas na sundalo,
Iniwan ang bangkay ng natumba kong tagapagligtas,
Sa takot na kami na ang isunod.

Habang dahang dahang umaandar
Ang trak sa malubak na daanan,
Muli ay nilingon ko
Ang ang aking bayan,
Mausok, wasak, guho.

Amoy pulbura na humalo sa malansang dugo,
Kakilakilabot ang alulong ng mga asong gala,
At tila hataw ng tambol sa aking dibdib
ang panakanakang putukan sa di kalayuan.

Ipinikit ko ang aking mga mata,
Tinanong ang aking sarili
kung ako ay may babalikan pa ba
sa lugar na ito.

Meron pa ba o wala na?

Sa mata ng sangol na kalong ko
nasumpungan ang kasagutan,
Sa huli isa nalang ang nasambit.

Na-o na ko mahal kong Marawi!

Share.
.
Loading...

Please follow our commenting guidelines.

Comments are closed.