• Pitik-bulag

    0

    sakdal lagkit ng putik

    mula sa mga alabok ni yolanda

    kapit-linta ang hapis

    nang ginupo ang mga kabanata

    ng mga panata,

    namuong mga kade-kadenang kalansay

    napilas, nalimas– pintadong kapilas na pag-asa .

    sumipol ang mga naghari-harian

    pinutakti yaring naimbak na remembrans

    ni inang sa ibayong dagat.

    tunaw na sa bituka ng mga inamag na budhi

    kumusta kaya ang selyong dugo’t pawis mula sa bagwis ng tate?

    naglaban ang papag at pagpag;

    ang rebolusyon ng barong-barong at ng ‘sang kahig, ‘sang tuka.

    kumalansing, mga singkong doleng

    alamat ng salinlahing dukha

    na minsa’y naghihintay

    oyayi ng itinanging tierra pobreza,

    sumbat ng musmos, ‘’iyong paghele’y kapos’’

    sa’yong pagkalinga’y mahawi ang takot.

    CERI NAZ

    Share.