TATLONG TULA

0

Baybay

At sa sandaling lisanin ka ng mga titik, ng mga salita, ng mga talata, ng mga pahina, hanapin sa gula-gulanit na mga damit, pira-pirasong mga katawan, bali-baling mga kalansay ang mga salitang hindi mo na marinig sa lakas ng busina ng mga sasakyan sa kalsada, sa takatak ng mga teklado ng de-kuryenteng kahon, sa kalansing ng iilang baryang natira sa pagbili ng mga libro’t babasahin sa eskuwela. Marami ka pang babasahing mga pahina ng mga kuwento ng dalagang walang blusang nakabulagta sa aspaltadong kalsada, ng lalakeng ang mga mata’y dilat na’t leeg ay nakagapos ng nagbabagang alambre, ng isang hindi na makilala sa nagkanda-basag niyang bungo. Mga pahinang hindi mo pa mababasa ‘pagkat abala ka sa pagpapakahulugan sa mga -ismong nakasulat sa pisara, sa pagtatangi sa sarili mong realidad labas sa realidad ng iba. Ang mga gula-gulanit na mga damit, pira-pirasong mga katawan, bali-baling mga kalansay ang magtatagpi-tagpi ng iyong alaala ng iyong sumpang patuloy na tatanganan ang pluma at iguguhit sa pirasong papel ang isang tuldok, hanggang sa maging isang linya, hanggang sa maging titik ng mga salita ng mga talata ng mga pahina ng mga kuwento ng iyong bayang kay tagal ring nilisan ng mga salita.

* * *

Ang ‘Di Malilimutang Parang


Bumulagta ang mga dahon sa gitna ng parang. Nanginig ang mga sanga pagkarinig ng ungol ng mga punglo. Tumangis nang itinarak ang itak sa tagiliran, paulit-ulit hanggang sa dumanak paibaba ang natatagong katas nito. Wari’y dinidilig ang nangatuyong balat. Wari’y hinuhugasan ng luha ang nagnanaknak na sugat sa nilamuray na katawan. Tahimik na nagmamasid ang kagubatan sa unti-unting pagbagsak ng puno. Marami nang nangabuwal. Marami nang nagsipagbalik sa kanilang pinagmulan. Ngayo’y mataba na ang lupang dinilig ng dugo ng mga buhay na kanyang iniluwal. Ngayo’y higit nang matayog ang tindig nilang mga naiwan sa gitna ng parang.

* * *

Isang Taóng Retorika

“P*T*NG *N*, SUMUNOD KAYONG LAHAT!”
kung pagbabago raw ay nais makita
‘Di iyon putaheng ihahain sa mesa
basta na lamang dadamputin
titikman pagpapasa-pasahan
ng mga daliri’t naglalaway na dila
Baka nakakalimutang
kapalit nito ay –

“If I have to kill you, I’ll kill you. Personally.”
Gaya ng mga katawang
nagtampisaw sa sariling dugo, putik
mga bangkay, inilalako sa eskinita gabi-gabi
pinagpipiyestahan ng mga klik at flash!
pinagsasaluhan ng mga matang binubusog
ng takot at pangamba
ng mga lábing nangatuyo’t uhaw sa katotohanan
ng mga taingang nagkandabingi na
sa mga palahaw ng mga naulila,
sa mga nakaririnding:

“Son of a bitch! Do not make us your dogs!”
Aba’y oo nga! ‘Di naman kami aso na basta-basta
susunod sa bawat mong utos
kakagat sa bawat biyayang ipinapain
aalulong sa bawat tulong na ipinagkait
Matagal nang
nabigtal ang pagkakatali
nakalas ang tanikalang
sumasakal sa aming kalamnan.
Malaya na (sana) kami!
Malaya na rin naming masasabing:

“P*t*ng *n*! Pag hindi mo sinunod ang batas,
p*t*ng *n* ka sa kin!”
Ikaw na higit pa sa batas ng mga batas
Sa walang pakundangang pamamaslang
sa mararalitang nalulong sa droga,
sa magsasakang nagbubungkal ng lupa.
Katarungan ang sigaw ng apatnapu’t pitong
mga ngalang walang mukha –
mukhang ipininta
ng iyong bakal na mga kamay,
pinatingkad ng kanilang dugo’t luha.

Katarungan ang isinisigaw ng
mga katutubo sa kabundukan
silang pinalalamon ng mga bala at bomba,
nilalasing ng tear gas at tubig-imbornal.
At sa kanilang pagsusumamo’y
iyo lang sambit:
“Collateral damage, pasensya.”

CLARIZA CASSANDRA CONCORDIA

Share.
.
Loading...

Please follow our commenting guidelines.

Comments are closed.